WADAPAK IS THIS? HAMBALOS NG FB POST SA ‘MALI-MALI’ NA DEPED SAMPLE TV MATERIALS
PINUNA ng mga netizen ang umano’y ‘mali-maling’ learning materials ng Kagawaran ng Edukasyon, batay sa mga materyales na ipinalabas nila sa sample TV broadcast noong Agosto 11.
Sa trending Facebook post ni Joel Pablo Salud, pinuna ang isang tanong sa Grade 8 English na ipinalabas ng DepEd sa IBC 13 at SOLAR channel noong Agosto 11. Hinahanap nito ang kasing kahulugan ng salitang ‘picturesque’ na pilit ipinasok sa pangungusap na may maling sintaks at gramatika.
“WADAPAK IS THIS? This is Grade 8 English? Anak nang buteteng laseng naman. This is DepEd’s online/TV classes? The one parents had to spend for in terms of cellphones and computers or TV?,” dismayadong tanong ni Salud.
Bukod sa English, ‘alignment’ sa Grade Level Mathematics naman ang komento ni Don Melendez. Sinabi niya na 7 taong gulang pa lamang ang kanyang pamangkin, subalit multiplication na agad ang paksang nasa testing kit ng DepEd.
Sinimulan na ng kagawaran ang TV broadcast ng mga audio-video learning material na gagamitin sa pasukan sa Agosto 24. Bahagi ito ng pagpapakitang handa na ang mga paaralan sa bansa sa unang taon ng blended learning. Gayunpaman, sa paunang ere pa lamang ay libo-libong batikos na agad ang kanilang tinanggap.
Depensa ng ilang guro, ‘test run’ lang ang mapapanood sa linggong ito. Layon ng aktibidad na mabatid ang mga butas, mali, at pagkukulang nang karampatang maiayos bago ang mismong araw ng pasukan.
Pero sabi ni Acosta Yanna AV, oo nga’t test run ito, ‘nakakatakot’ na Basic English pa lamang ay palpak na ang DepEd.
Batay sa Memorandum Order ni Undersecretary Alain Del Pascua, ang pag-eere ng mga piling video lecture sa IBC 13 at SOLAR channel ay mula Agosto 11 hanggang 21, 8 n.u. hanggang 6:30 n.g. Kasama ito ng mga bagong programang inilunsad ng DepEd para sa Blended Learning Approach ng pagtuturo ngayong panahon ng pandemya.