Nation

VOUCHER PROGRAM NG DEPED SA PRIVATE SCHOOLS SAPOL NG BUDGET CUT

/ 17 September 2020

AMINADO ang Department of Education na apektado ang kanilang voucher system program para sa mga estudyante sa mga pribadong paaralan sa pagbabawas sa budget ng ahensiya ngayong taon at sa 2021.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na pinamumunuan ni Senador Win Gatchalian, sinabi ni Education Undersecretary Annalyn Sevila na P8.9 billion ang nabawas sa kanilang pondo ngayong taon para sa Bayanihan To Heal As One Act.

Kasama sa naturang pondo ang P2 billion na laan para sa voucher system at ang pondo sa last mile schools program.

Samantala, nasa P10 billion naman sa panukalang 2021 budget ng DepEd para sa voucher system sa susunod na taon ang inisyal na inalis ng Department of Budget and Management.

“For 2021, nabawasan kami ng P10 billion (for voucher system) which has really a big impact.  Although nung nag-appeal si Secretary (Leonor) Briones ay ibinalik ito ng DBM pero nasa unprogrammed fund. Unprogrammed fund means you need to wait for additional revenue,” paliwanag ni Sevilla.

Sa pagtatanong ni Senador Nancy Binay, sinabi ni Sevilla na ang P10 billion na pondo ay posibleng makaapekto sa 50 porsiyento ng mga benepisyaryo ng voucher system.

“Ang pakiusap po sa amin ng DBM para hindi maapektuhan ang number of beneficiaries, magbabayad kami ng per semestral. Hindi kami magbabayad ng buong taon, para magkasya ang pondo,” paliwanag ni Sevilla.

“But if we want to help private schools we need to pay them in full,” giit naman ni Binay.