Nation

VOTER EDUCATION IPINASASAMA SA SUBJECTS SA SHS

/ 25 February 2021

SA GITNA ng panawagan ng gobyerno sa mga kabataan na magparehistro para sa 2022 national elections, patuloy na isinusulong sa Kamara ang panukala para maisama sa Senior High School curricula ang Voter Education.

Ito ay kasunod ng paghahain ng panibagong panukala ni Paranaque City Rep. Joy Myra Tambunting — ang House Bill 8798 o ang proposed Voter’s Education Act of 2021.

“Suffrage is one of the most basic means of political participation for the public. It exists not only to put individuals into power but also as means of the public to affirm its government and the political system,” pahayag ni Tambunting sa kanyang explanatory note.

Ipinaliwanag pa ng kongresista na sa pamamagitan ng halalan, nagiging lehitimo ang gobyerno para bumuo at magpatupad ng mga polisiya para sa bansa.

Binigyang-diin ni Tambunting na mahalagang handa ang mamamayan, partikular ang kabataan para sa responsableng pagpili ng mamumuno sa bansa.

Sa panukala, mandato ng Department of Education an isama sa senior high school curriculum ang Voter Education.

Inaatasan din sa panukala ang Commission on Elections na tumulong sa paghahanda sa mga guro sa pamamagitan ng pagsasagawa ng seminars at training sa electoral system and process.

Gagamitin ang curriculum sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan, gayundin sa mga enrollee sa Alternative Learning System.

Minamandato rin sa panukala ang paglaagay ng mga textbook, primer at leaflet hinggil sa voter education sa lahat ng library ng bawat paaralan.