‘VOTE PILIPINAS’ REGISTRATION SERVICE TEST ISINAPUBLIKO NA
INILUNSAD na ng Commission on Elections at Vote Pilipinas ang Voter Registration Service Test sa naganap na Town Hall Session kahapon, Marso 24, via Zoom.
Makatutulong sa mga Filipino ang Service Test upang mapadali ang kanilang pagpaparehistro para sa halalan sa 2022. Isa itong web-based tool na tumutukoy sa tiyak na prosesong dapat daanan ng sinumang nagnanais na magparehistro, partikular ang mga kabataan saan man sa mundo, anuman ang kalagayan at personal na sirkumstansiya.
Dumalo sa gawain si Commission on Elections Spokesperson James Jimenez para ipaliwanag ang sikot sa website ng Vote Pilipinas. Nakasama niya rito si Ces Rondario, isa sa mga punong-abala ng proyekto.
Inisa-isa rin nina Jimenez at Rondario ang mga batayang impormasyon sa kung paano makapagpaparehistro hanggang Setyembre 2021.
Samantala, binanggit naman ni Jules Guiang, tagapagpadaloy ng programa, ang estado ng pagpapatala. Batay, aniya, sa ulat ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon ay sumampa na sa higit dalawang milyon ang bilang ng new registrants.
Apat hanggang pitong milyong bagong botante naman ang target ng Comelec hanggang magsara ang talaan.
Buo ang suporta ang The Philippine Online Student Tambayan sa Vote Pilipinas. Dumalo ito sa Town Hall Session at nagpamalas ng pakikiisa sa Komisyon tungo sa ikatatagumpay ng halalan sa 2022.
Samantala, inanunsiyo ng The POST ang paparating nitong year-long campaign na pinamagatang #KabataanSaHalalan, isang three-part webinar series na tututok sa voter education at papel ng kabataan at social media sa pagpapaunlad ng pamayanan.
Sa Abril 24 nakaiskedyul ang unang installment ng #KabataanSaHalalan na pamamagatang “Puwedeng Maging Choosy.” Makakasama ng The POST ang Comelec, Pinas Forward PH, Young Filipino Advocates for Critical Thinking, mga propesor ng Mass Communication, Psychology, Political Science mula sa Unibersidad ng Pilipinas at Politeknikal na Unibersidad ng Pilipinas, at iba’t ibang mga organisasyong nagsusulong ng boses ng kabataan sa halalan.