VIDEOKE, KARAOKE SOUNDS BAWAL SA BRGY CANIOGAN, PASIG CITY
ISANG barangay sa lungsod ng Pasig ang nagpasa ng isang ordinansa para ipagbawal ang mga videoke at iba pang sound-producing devices na makaiistorbo sa online learning ng mga estudyante.
“Kami yata ang kauna-unahang barangay [sa Pasig City] na nagpasa ng barangay ordinance as a support dun sa online learning ng mga bata ay ‘yung pag-ban ng mga videoke at ibang mga sound system na nakaka-disturb sa mga nag-o-online classes,” sabi ni Caniogan Barangay Chairman Rey de Jesus.
“So, ‘yun ang ginawa ko, nai-submit ko na sa City Council. Actually, kaya lang sabi ng City Council ay mayroon din silang hinahandang city ordinance —for citywide implementation. Pero since wala pa ngayon lumalabas [na city ordinance], ini-implement muna namin ‘yung ordinance namin,” sabi ni De Jesus.
Kamakailan lang ay hinikayat ng Department of the Interior and Local Government ang mga local government unit na magsabatas ng mga ordinansa na nagbabawal sa anumang aktibidades na maiingay sa gitna ng online learning scheme. Hinikayat din ng DILG ang mga vehicle owner na huwag bumusina ng malakas sa oras ng klase.
Samantala, namahagi ang lokal na pamahalaan ng Pasig ng libo-libong tablets, laptops at iba pang learning devices para sa mga estudyante at guro sa elementarya hanggang senior high school sa mga pampublikong paaralan.
“Actually, ang buong Pasig ay napakapalad dahil ang ating butihing mayor [Vico Sotto] ay nagbigay ng mga laptop and tablet para sa mga estudyante at guro sa lungsod,” dagdag ni De Jesus.