VICTORY CLAIM NG DEPED ILUSYON LANG – LAWMAKER
KINONTRA ng Gabriela partylist ang naging deklarasyon ni Department of Education Secretary Leonor Briones na tagumpay ang pagbubukas ng klase para sa school year 2020-2021.
KINONTRA ng Gabriela partylist ang naging deklarasyon ni Department of Education Secretary Leonor Briones na tagumpay ang pagbubukas ng klase para sa school year 2020-2021.
Ayon kay Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, maituturing na insulto sa tatlong milyong estudyante na hindi nakapag-enroll ang deklarasyon ng kalihim.
“Nag-iilusyon ng tagumpay si Sec. Briones gayong nagbukas ang klase nang walang libreng gadgets para sa mga guro at estudyante, walang sapat na internet allowance, at walang safety measures para sa mga gurong nagde-deliver ng modules. Sa katunayan, ginapang pa nga ng mga guro at magulang ang pagbubukas ng klase sa kabila ng kakulangan ng suporta mula sa gobyerno,” pahayag ni Brosas.
Ipinaalaala ng kongresista sa DepEd na dalawang beses nang naiatras ang pagbubukas ng klase dahil sa kabiguang makapaghanda sa mga pangangailangan sa distance learning.
“Ilang buwan bago ang pasukan, nanawagan na ang mga magulang at estudyante ng financial aid o subsidiya dahil hindi na nila kayang bumili ng kagamitan para sa remote learning. Ngunit tila inabandona na ng pamahalaan ang mga estudyante, guro, at magulang sa gitna ng pandemya. Kaya patuloy kaming nananawagan ng subsidiya para sa edukasyon at ayuda sa pamilyang nananatiling lugmok sa krisis,” ayon pa sa mambabatas.
Samantala, iginiit naman ng Kabataan partylist na dapat managot sina Briones at Pangulong Rodrigo Duterte sa kawalan ng kahandaan at sa kahirapan sa pagbubukas ng klase.
Sinabi ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na kaliwa’t kanan ang mga ulat ng kahirapan ng mga magulang at kabataan sa pagbubukas ng klase dahil sa patuloy na kapabayaan ng DepEd at pamahalaang Duterte na ipinasa sa mga estudyante, magulang, guro at lokal na opisyal ang pasanin para makapagpatuloy ng pag-aaral ang mga kabataan sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Elago, dahil sa mahal na gastos para sa online class, karamihan ng mga estudyante ay mag-aaral gamit ang mga module subalit kulang na kulang ang nakahandang modules ng DepEd at napipilitan ang mga guro na gamitin ang sariling pera para mag-print ng mga module para sa mga estudyante nila.
“Lalong dadami ang mga kabataang magtatrabaho habang nag-aaral, o ‘di kaya ay kakapit sa patalim para lamang makapagpatuloy ng pag-aaral. Napakaraming mga estudyante ang titigil sa pag-aaral sa taong pang-akademikong ito at mga magiging out-of school. Kaya panahon na para papanagutin sina Duterte at Sec. Leonor Briones na nagpapabaya at nagpapahirap sa milyon-milyong kabataan at pamilya,” pahayag ni Elago.