Nation

VICO SA COMELEC: PAMAMAHAGI NG SCHOLARSHIP ALLOWANCE I-EXEMPT SA ELECTION BAN

/ 6 April 2022

HINILING ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa Commission on Elections na i-exempt ang distribusyon ng scholarship allowances sa election ban.

“Inform ko lang kayo (Pasig City scholars), nagsulat na ako sa Comelec– sana mapagbigyan ang request natin para sa exemption sa election ban para sa mga allowances ninyo,” sabi ni Sotto sa kanyang Facebook post.

Ayon sa alkalde, bagama’t may pandemya ay tumaas pa rin ang bilang ng mga iskolar sa lungsod mula 12,000 noong 2019, ngayo’y 20,000 na.

“We will increase further every year. Basta pasok sa income bracket, ranking system ito base sa grades para maiwasan ang palakasan. Kung may dalawang estudyante na nangangailangan, siyempre ibibigay ang slot sa mas mataas ang grades. Pero meron din tayong non-academic, sports at arts & design scholars,” ani Sotto.

Paalala ni Sotto sa mga iskolar na wala silang utang na loob kahit kanino, lalo na sa politiko, dahil pera ito ng taumbayan.

“Mag-aral lang kayo nang mabuti, sulit na ang investment ng Pasig sa inyo,” dagdag pa niya.