VAX SITES SA MGA ISKUL ISASARA NA
KASABAY ng pagsasailalim sa Alert Level 1 sa buong Metro Manila, isasara na rin ang vaccination sites sa mga paaralan sa Makati City.
Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na dinesisyunan ng lokal na pamahalaan ang pagsasara ng vaccination sites sa mga eskwelahan nitong Pebrero 28 dahil pinaghahandaan na rin ng lungsod ang face-to-face classes sa ilalim ng ‘new normal’.
Ang mga isinarang vaccination site ay inilipat ng lokal na pamahalaan ang pamamahala sa iba’t ibang barangay health centers sa lungsod.
Ayon kay Binay, ang mga eskuwelahan ay nararapat na nakahanda at makabago upang matugunan ang kalusugan ng publiko at safety protocols, gayundin ang paniniguro ng kaligtasan ng mga estudyante at faculty members sa pagsisimula ng face-to-face classes.
Ipinaliwanag din ni Binay na dahil sa mataas na vaccination rate ng lungsod, ang mga health center ay maaari nang tumanggap ng mga indibidwal na nais magpabakuna at magpa-booster shots laban sa Covid19 na mas madali para sa mga residente dahil mapapalapit na lamang sa kanilang mga tirahan.
Matatandaan na napagkasunduan ng mga alkalde na bumubuo sa Metro Manila Council ang pagpapatupad ng mas maluwag na Alert Level 1 sa National Capital Region bunsod ng mataas na vaccination rate at mababang hospital utilization rate sa rehiyon.