Nation

VAWC DESK NG PNP PINAKIKILOS LABAN SA TEENAGE PREGNANCIES

/ 11 February 2023

PINAKIKILOS ni Senador Sherwin Gatchalian ang Violence Against Women and Children desk ng Philippine National Police laban sa mga kaso ng teenager moms na ang karelasyon o ang nakabuntis sa kanila ay 10 taon ang tanda o higit pa.

Nababahala si Gatchalian na posible ang statutory rape cases sa kaso ng mga batang ina o teen moms.

Tinukoy ng senador ang datos mula sa Philippine Statistics Authority kung saan 10 percent ng mga batang ina ay may partner na ang agwat ng edad sa teenager ay 10 taon pataas.

Sinabi ni Gatchalian na posibleng may nilalabag na batas dito ang mga nakatatanda na ang karelasyon ay teenager, partikular ang Republic Act 11648 na nagbibigay depinisyon sa statutory rape at sa pagtataas ng edad sa sexual consent mula sa 12-anyos sa 16 na taong gulang.

Dahil dito, hiniling ni Gatchalian na paigtingin ng PNP-VAWC desks ang pagtugis sa mga ganitong kaso lalo’t posibleng may pang-aabuso at makasuhan ang matandang partner.

Suportado rin ng senador ang mga naunang suhestiyon ni Senador Raffy Tulfo, partikular na ang pagkaroon ng liquor license sa pagbebenta ng alak.