Nation

VACCINATION PLAN SA MGA ISKUL IPINALALATAG

/ 28 April 2021

Hinimok ni BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co ang Department of Education, Commission on Higher Education at mga eskuwelahan na ngayon pa lamang ay bumalangkas na ng plano para sa Covid19 vaccination sa mga estudyante.

Sinabi ni Co na mas mabuting ngayon pa lamang ay mapaghandaan na ang vaccination upang hindi na magkaroon ng problema.

Ipinaliwanag ng kongresista na sa pamamagitan nito ay matitiyak na lahat ng kabataan ay mabibigyan ng proteksiyon laban sa Covid19 oras na maging available na ang bakuna at mabigyan na ito ng ’emergency use’.

Inirekomenda pa ni Co na ang bahagi o ang buong 50 percent ng vaccine supply na ido-donate ng mga pribadong kumpanya sa pamahalaan ay ilaan sa paaralan na nasa ilalim ng ‘adopt school programs’.

Tiniyak naman ng mambabatas na ang mga magbibigay ng bakuna sa mga paaralan ay magkakaroon ng tax break sa ilalim ng CREATE Act.

Kasabay nito, sinabi ni Co na maaaring simulan ng bawat paaralan ang paghahanda sa Covid19 vaccination sa pagsasagawa ng hiwalay na pagpapabakuna laban sa flu, hepa at tigdas.

“Ang puwede pong gawin ng gobyerno at education sector ngayon ay maglatag na ng hiwalay na vaccination for flu, hepa, at measles. Ito ay para sa oras na dumating na ang Covid19 vaccine na akma para sa mga bata,  hasang-hasa na nang husto ang mga school pediatrician, school nurses, school personnel, teachers, admin staff, mga magulang at mismong mga bata pagdating sa proseso ng mass vaccination.” dagdag pa ng mambabatas.