Nation

UTILITY ALLOWANCE PARA SA MGA GURO IGINIIT

/ 27 August 2020

PANIBAGONG panukala ang inihain sa Kongreso para sa pagkakaloob ng utility allowance sa mga guro na magagamit nila sa pagbabayad ng kanilang internet connection sa implementasyon ng distance learning.

Sa House Bill 7285 o ang Teachers’ Utility Allowance Act, iginiit ni Eastern Samar Rep. Marie Fe Abunda na sa gitna ng Covid19 pandemic, mas malaking hamon ang kinakaharap ng mga guro upang matugunan ang kanilang mandato na makapagbigay ng dekalidad na edukasyon.

“Along with online classes, one of the more brought up solutions is that of having teachers utilize cyber means to create and share their materials,” pahayag ni Abunda sa kanyang explanatory note.

Sinabi ni Abunda na marami nang report hinggil sa kakapusan ng budget ng mga guro para sa internet services.

“The current heallth situation in the country has proven to mean costlier everyday expenses: the additional internet costs are simply not an option for many households,” dagdag pa ni Abunda.

Layon ng panukala na hikayatin at tulungan ang mga guro na ituloy ang pagsasagawa ng online classes nang walang dagdag na gastusin sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng buwanang utility o internet allowance.

Batay sa panukala, aatasan ang kalihim ng Department of Education na bumuo ng programa para sa pagbibigay ng dagdag na allowance sa mga guro at ang pondong kinakailangan ay dapat na isama sa hihilinging budget sa ilalim ng General Appropriations Act.

Una nang isinulong ni Senadora Grace Poe ang panukala na magbibigay ng P1,500 na monthly internet allowance sa mga guro.