Nation

UST SORSOGON BUBBLE BUBUSISIIN NG SENADO?

/ 2 September 2020

HANDA si Senate Committee on Sports Chairman Christopher ‘Bong’ Go na imbestigahan ang isyu ng sinasabing breach of quarantine protocols ng Unibersidad ng Santo Tomas.

Ito ay nang dalhin ang buong basketball team sa Sorsogon para mag-ensayo bilang paghahanda sa susunod na UAAP Men’s basketball season.

Inihayag ni Go na sa layo ng Sorsogon sa Metro Manila, maraming probinsya at iba’t ibang quarantine protocols ang dinaanan ng mga manlalaro ng UST.

Dapat isinaalang-alang ng mga nasa likod ng naturang hakbang ang kaligtasan ng mga estudyante, ayon kay Go.

Pinaalalahanan din niya ang coaches na kargo ng mga ito ang kanilang mga manlalaro at hindi dapat magmadali sa paghahanda ngayon dahil delikado pa ang panahon.

Ayon kay Go, ang kalusugan ng mga mag-aaral ang pangunahing dahilan kaya walang face-to-face classes at ipinagpaliban ang pagsisimula ng klase sa gitna ng kinakaharap na Covid19 pandemic.

Inihayag ni Go na marami sa mga magulang ang natatakot sa kaligtasan ng kanilang mga anak kaya’t hindi na dapat pang dagdagan ang pressure sa kanila.