Nation

UP-PGH HUMIHINGI NG DONASYON MATAPOS MASUNOG

/ 16 May 2021

NANANAWAGAN sa taumbayan ang pamunuan ng University of the Philippines – Philippine General Hospital para sa donasyon upang mabilis na makabangon ang ospistal matapos na masunog ang isang bahagi nito kaninang madaling araw.

Sa post ng UP-PGH, sila ngayo’y nangangailangan ng non-food, food, at cash donations sapagkat hindi pa rin maaaring maokupahan ang central block building nito.

Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, ala-1 ng madaling araw sumiklab ang sunog sa Operating Room Sterilization Area, ikatlong palapag ng PGH Central Block Building kung saan ina-admit ang non-Covid19 paying patients. Bandang alas-2:46 ay idineklarang under control at 5:41 naman tuluyang naapula ang sunog.

Mabilis na kumalat ang apoy sa block pero sa kabutihang-palad ay hindi naman nadamay ang mga karatig-gusali at kagyat na nailikas ang mga pasyente. Gayundin, walang napaulat na namatay dahil sa sunog.

Pansamantalang inilipat sa iba’t ibang bahagi ng PGH ang mga pasyente. Kumalakat sa social media ang retrato ng mga nakatubong may sakit, mga sanggol na naka-incubator, at mga dapat sana’y nasa emergency room at ICU pa hanggang ngayon.

Iniingatan din ng pamunuan na maghalo ang Covid at non-Covid patients upang hindi lumaganap ang virus dahil sa insidente.

Nagbayanihan na rin ang mga katabing ospital. Sa katunayan, inadap na ng Sta. Ana Hospital ang 12 pasyente ng PGH NICU. Dalawang pasyenteng sasailalim sa appendectomy ang inaalagaan na rin sa Ospital ng Maynila.

Inaalam pa ang sanhi ng sunog.

Para sa mga nais magpadala ng donasyon, makipag-ugnayan lamang kay Mr. Boboy Gutierrez o Mr. Ed Christian Lopez sa 0917 772 3947.

Para sa mga nais magpadala ng donasyon, maaaring dalhin ang non-food donations sa Nurses Home. Hanapin lamang si Mr. Boboy Gutierrez o Mr. Ed Christian Lopez at tawagan ang 0917 772 3947.

Para sa pagkain, makipag-ugnayan sa PGH ORTOLL Reproductive Center — kay Dr. Michael Castillo (0956 592 8892) o kay Ms. Emelita Lavilla, Dietary Head (0922 831 8994).

Para naman sa cash donations, puwedeng ipadala sa cashier-on-duty, Ms. Rose Acabado (02 8554 0440 local 2016) upang makapagpadala ng resibo. Maaari ring idiretso sa Development Bank of the Philippines, Account Name: UPM-PGH Trust Liability Fund, Account Number: 00-0- 05028-410-8.