Nation

UP KAY IMEE: ‘DI KAMI NAGDAMOT KAILANMAN

MARIING kinondena ng komunidad ng mga mag-aaral, pakuldad, mananaliksik, at administrasyon ng sistemang Unibersidad ng Pilipinas ang banat ni Senadora Imee Marcos na ‘maramot’ ang UP sa learning materials.

/ 7 August 2020

MARIING kinondena ng komunidad ng mga mag-aaral, pakuldad, mananaliksik, at administrasyon ng sistemang Unibersidad ng Pilipinas ang banat ni Senadora Imee Marcos na ‘maramot’ ang UP sa learning materials.

Sinipi ni UP Open University Prop. Rein Pugoy sa kanyang Facebook post ang reiterasyon ni UPOU Chancellor Dr. Melinda dP. Bandalaria ukol sa mga inisyatibo ng unibersidad, may diin sa pagiging libre at aksesibol nito saan maang dako ng bansa.

“UPOU has been offering Massive Open Online Courses (ang ibig pong sabihin ay libreng online courses – libre – walang bayad) since 2013. Sa kasalukuyan po ay mahigit 100 na libreng online courses mula sa UPOU ang patuloy na ino-offer. Pumunta po kayo sa model.upou.edu.ph upang makita ninyo ang mga libreng kurso na ito,” sipi sa pahayag.

Partikular ngayong may pandemya, nagsimula ang unibersidad na maghatid ng mga libreng massive open online course na nakapokus sa remote teaching and learning sa panahon ng Covid19. Nagkaroon din ng ‘tweak’ sa mga webinar ng UPOU– ngayon na intensibong nakatuon sa online o under emergency remote instruction ng mga guro, publiko man o pribadong paaralan.

Binanggit pa na ang lahat ng nirekord na sesyon ay available pa rin sa ilalim ng Creative Commons license. Nariyan din ang TVUP na produkto ng pagsisikap ng buong sistemang UP na makapaghatid ng dekalidad na materyales pampagtuturo at pampananaliksik.

Sinabi naman ni Prop. Jayson Petras ng UPOU at UP Diliman na bukod sa institusyonal na paghahanda, masigasig ding nakikibahagi ang mga taga-UP sa iba’t ibang webinar na isinasagawa ng iba’t ibang institusyon sa buong Filipinas. Diin niya, makatutulong ito sa capacity building ng mga guro na sasabak sa remote teaching. Kung partikular naman ang paksa, nagsisilbi ang mga inisyatibong ito sa pagpapayaman ng mga open educational resource.

KATUWANG NG PAKULDAD ANG MGA KONSEHO AT SAMAHANG MAG-AARAL

Pinasungalingan ni UP College of Education Student Council Chairperson Eugene Solla ang paratang ni Marcos.

Si Solla, na isa sa mga punong abala ng serye ng webinar tungkol sa pagtuturong blended learning ngayong new normal, ay nagwikang katuwang ng mga propesor maging ang mga konseho’t samahang mag-aaral ng UP. Narito ang kanyang opisyal na pahayag:

Magmula noong lumobo ang kaso ng Covid19 at magdeklara ng malawakang community quarantine ang gobyerno, walang pag-aatubiling tumugon ang Unibersidad ng Pilipinas sa hamon na bitbit ng naturang pagsubok. Kabi-kabilang mga proyekto at kampanya ang inilunsad ng mga estudyante, kolehiyo, guro, kawani, at maging ng administrasyon ng pamantasan upang maging kaagapay ng iba’t ibang sektor ng bansa.

Kami, sa UP College of Education Student Council, halimbawa, ay nagsagawa ng fundraising inititiave (Handog Donation Drive) na mas napalawak pa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Grain Foundation for PWDs at Organization of Young Filipino Americans sa University of Virginia sa Amerika. Higit 700 na mga bata sa Taytay, Rizal at higit 30 indigent families ang aming naabot noong Mayo. Ngayong buwan ay nagpapatuloy pa rin ang pagkalap ng donasyon at hangad naman naming makapag-abot ng tulong sa mga estudyanteng hirap sa remote learning na ipatutupad ng UP. Matagumpay ding nailunsad ng Kolehiyo ng Edukasyon ang Education Resiliency and Learning Continuity Plan na gabay para sa mga pampubliko at pribadong paaralan kaugnay ng pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya. Dagdag sa online resources ukol sa ELRC, labing-anim na libreng webinars ang binuksan ng UP Eduk para umagapay sa mga guro, estudyante, administrador, at mga magulang upang masiguradong magiging maayos at epektibo ang pagkatuto ng kabataan. Nauna ring inilunsad ng aming Kolehiyo ang libreng diksiyonaryong pambata na tumatalakay sa mga esensiyal na termino tungkol sa pandemya. Nakasalin sa Ingles at iba’t ibang wika ang nasabing diksyonaryo nang sa gayon ay mas maabot ang bawat rehiyon ng bansa. Noong nakaraang buwan, inilunsad din ng UP Eduk SC ang Reading Ready, isang online storytelling platform para rin sa mga bata. At nito lamang Hulyo 25, sinimulan ng aming Konseho ang #WalangIwanan webinar series, kung saan nag-imbita kami ng mga guro sa lungsod at kanayunan, local government units, non-government organizations, policymakers, at mga estudyante upang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa kasalukuyang sitwasyon ng edukasyon sa bansa at kung paano maaatim ang hakbang pasulong. Ilan lamang ang mga ito sa marami pang proyektong handog ng UP para sa bayan.

Mula sa pag-develop ng mura at dekalidad na test kits, pagbibigay ng libreng webinars, hanggang pagtulong sa mga komunidad sa pamamagitan ng outreach at donation drives, makikitang hindi kailanman nagdamot ang UP sa bayang kanyang pinaglilingkuran—taliwas sa pahayag ni Senador Imee Marcos. Marahil ay dapat siyang bumaba sa kanyang ivory tower at lumubog sa mga pang-araw-araw na karanasan ng mga guro, estudyante, at institusyong kanyang hinahamak sa kanyang mga pahayag. Ang mga ganitong klaseng pahayag ay insentibo at nakakabahala lalo pa’t galing sa isang senadora. Kung mayroon man sigurong maramot o di kaya’y sakim, iyon ay ang mga pulitikong patuloy na nagbubulsa ng kaban ng bayan habang ang mga Pilipino ay namamatay sa gutom at sakit. Hinahamon namin sina Sen. Marcos at iba pang mga lingkod bayan na pangunahan ang pagtugon sa mga hamong bitbit ng pandemya. Dagdag na hamon na rin siguro namin sa Senadora na tuluyan nang linawin kung saan nga ba siya nagtapos ng pag-aaral, bago niya kuwestyunin ang kakayahan ng mga paaralan na maggawad ng diploma.

Magugunitang sa pagdinig ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education noong Agosto 5 ay sinabi ng senadora na hindi naaakses ng mga probinsyano ang online learning materials ng UP at paglabag ito sa batas.

“Ang damot daw ng UP sa materyales, hirap na hirap ang mga probinsyano maka-access where in fact sa Open Distance Learning Act ay mandated sila na tulungan ang higher educational institutions,” pahayag ni Marcos.

Tinawag niya ang pansin si Commission on Higher Education Chairperson at UP Board of Regents Member Prospero de Vera. Nangako naman si De Vera na oobligahin niya ang UP na maging mapagbigay sa mga materyales.

Pahabol na giit ni Marcos, “Kung may bayanihan sa Covid19, dapat mayroon ding bayanihan sa distance learning at dapat pilitin ang UP. Ang laki-laki naman ng budget nila na nakukuha sa gobyerno, dapat public property na rin ang kanilang online materials.”

Matatandaang umingay ang isyu ng pagtatapos ni Marcos sa UP College of Law noong 2019 election. Ipinipilit ng senadora na siya’y nagtapos sa UP kahit na wala siyang maipakitang anumang rekord o katibayang totoo nga ang kanyang sinasabi, bukod sa ilang pahina ng yearbook. Mariing itinanggi ng pamunuan ng UP na siya’y tunay na nagtapos ng abogasya sa naturang kolehiyo.