UP CAMPUS MANANATILING ‘DEMILITARIZED’
HINDI magtatayo ng military detatchment sa mga campus ng University of the Philippines.
Ito ang paglilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at sinabing guni-guni lamang ng mga ayaw sa militar ang alegasyong planong pagtatayo ng military detatchment sa loob ng campus ng unibersidad.
Taliwas sa mga ipinakakalat ng mga kontra sa pagkansela sa UP-DND accord, sinabi ng kalihim na walang layunin ang Armed Forces of the Philippines na maglagay ng sundalo sa loob ng naturang unibersidad.
Hindi rin, aniya, nila puntirya na pigilan ang activism, ang academic freedom at mas lalong hindi susupilin ang kalayaan sa pamamahayag.
“We do not intend to station military troops inside campuses, we do not wish to suppress activist groups, academic freedom and their freedom of expression,” ayon kay Lorenzana.
Binigyang-diin pa ng kalihim na walang nilabag sa pagkansela sa DND-UP agreement at hindi rin ito pag-atake sa UP kundi nais lamang proteksiyonan ang mga mag-aaral.
Kaugnay nito, nagpahayag ng kanilang susporta ang pamunuan ng AFP Northern Luzon Command at Southern Luzon Command, maging ang major services ng AFP gaya ng Navy, Army, Air Force at maging ang Marines sa pasiya ng DND na ipawalang-bisa ang nasabing kasunduan sa UP.