Nation

UP CAMPUS IPINATATAYO SA ZAMBOANGA CITY

/ 5 November 2020

UPANG mas maraming Mindanaoan ang mabigyan ng oportunidad para sa dekalidad na edukasyon, isinusulong ni Muntinlupa City Rep. Rozzano Rufino Biazon ang pagtatayo ng University of the Philippines campus sa Zamboanga City.

Sa pagsusulong ng House Bill 757 o ang proposed University of the Philippines in Zamboanga Act, iginiit ni Biazon na sa pamamagitan ng UP education, maraming estudyante nito ang namayani sa kani-kanilang karerang tinahak.

Sa ngayon, ang UP system ay may pitong constituent universities sa 12 campuses sa buong bansa.

Gayunman, ayon kay Biazon, sa 12 campuses, isa lamang ang nasa Mindanao kung saan maraming mahirap na lalawigan ang matatagpuan.

“Readily apparent is the unequal opportunity to deserving students who are residing in Mindanao to enter the country’s only national university,” pahayag pa ni Biazon sa kanyang explanatory note.

Ang UP campus sa Mindanao ay matatagpuan sa Davao City at nag-aalok ng mga programa tulad ng liberal arts, architecture, applied mathematics, agri-business, anthropology, theater arts at computer science.

“True to its mandate, UP in Mindanao serves students who come mostly from Mindanao. However, it cannot accommodate more students especially those who are from provinces far from Davao City which is at the direct southern tip of Mindanao,” paliwanag pa ng kongresista.

Binigyang-diin ng mambabatas na napapanahon na ang pagtatatayo ng ikalawang UP campus sa Mindanao, partikular sa Zamboanga City para sa quality education sa mga deserving student.

Ang panukala ay pinag-aaralan na ng technical working group na binuo ng House Committee on Higher and Technical Education.