‘UNLI’ NA RETAKE NG CIVIL SERVICE EXAM SINILIP NI SENADORA MARCOS
SINITA ni Senadora Imee Marcos ang Civil Service Commission sa hindi paglalagay ng limit sa pagkuha ng isang indibidwal ng eligibility examinations.
Sa pagtalakay ng Senate Finance Committee sa P1.8-billion proposed 2021 budget ng CSC, sinabi ni Marcos na dapat pag-aralan ng komisyon kung nararapat na bumuo ng polisiya kaugnay sa paulit-ulit na pagkuha ng pagsusulit.
“Itatanong ko lang how about this constant retaking of exam kasi dapat may limitasyon dapat iyan kasi kung ‘di talaga kaya ‘di naman puwedeng 5 times or 6 times. Why is it that pabalik-balik ang mga bumabagsak not once not twice but even five times or more?” pahayag ni Marcos.
Inihayag naman ni Chairperson Alicia dela Rosa-Bala na isa ito sa kanilang pinag-aaralan at pinag-iisipan.
Samantala, naitanong din ni Marcos sa opisyal ang ipinatutupad na 80 percent passing grade sa kanilang eligibility examinations.
“Tanong dito bakit 80 percent? Is that an arbitrary level or did you derive it from somewhere? The other professional exams wala namang level or percentage requried?” tanong ng senadora.
Ipinaliwanag naman ni Dela Rosa-Bala na ang passing grade ay batay sa implementing rules ng omnibus rules ng Executive Order 292 o ang Revised Administrative Code of 1987 on the Civil Service Commission.
Ipinahiwatig naman ni Marcos na dahil implementing rules ang pinagmulan ng passing grade ay maaari itong pag-aralang baguhin.