Nation

UNIVERSAL ACCESS TO QUALITY TERTIARY EDUCATION PALAWAKIN — SOLON

/ 13 December 2020

NAIS ni Baguio City Rep. Mark Go na palawakin ang sakop ng Universal Access to Quality Tertiary Education upang maabot ang mahihirap na estudyante sa private higher education institutions.

Sa kanyang House Bill 8137, pinaaamyendahan ni Go ang Republic Act 10931 dahil sa limitasyon sa mga estudyanteng nabibigyan ng benepisyo.

Batay sa rekord, sa kasalukuyan ay 242 public HEIs, kabilang na ang state universities and colleges, local universities and colleges at ilan pang special education institution ang saklaw ng scholarship program.

Ipinaliwanag ng kongresista na nagiging limitado ang saklaw ng programa dahil sa geographical considerations bukod pa sa limitadong kurso na opsiyon ng mga estudyante sa mga public HEI.

Sa tala, noong academic year 2018-2019, nasa 1.519 milyong estudyante ang naka-enroll sa 242 public HEIs habang may 1.693 milyon ang nasa 1,721 private HEIs.

“This bill seeks to allow students opting to study in private HEIs to benefit from the coverage of the Tertiary Education Subsidy through a voucher system,”pahayag ni Go sa kanyang explanatory note.

Batay sa panukala, maglalaan din ng budget para sa ‘poor and academically able students’ sa pamamagitan ng voucher system na nais mag-aral sa private HEIs sa mga lungsod at munisipalidad na mayroon ding SUCs at LUCs.

Saklaw ng benepisyo ang tuition at iba pang school fees, kasama rin ang allowance para sa libro, school fees, transportasyon at reasonable allowance para sa documented rental o pagbili ng personal computer o laptop kung kinakailangan.