UNIFORMED POLICY SA PAGDEDEKLARA NG CLASS SUSPENSION BABALANGKASIN
BABALANGKAS ng uniformed policy ang Department of Education, National Disaster Risk Reduction Management Council kasama na rin ang local government units para sa malinaw na deklarasyon ng class suspension.
Ayon kay Assistant Secretary Raffy Alejandro, bagong tagapagsalita ng NDRRMC, layunin nito na hindi maulit ang pagkalito nitong Biyernes sa kasagsagan ng Typhoon Henry at Habagat kaugnay sa deklarasyon ng walang pasok.
Ito ay bilang tugon na rin sa katanungan bakit maging ang mga lugar na hindi gaanong inulan at apektado ng bagyo ay nagdeklara ng walang pasok.
Habang marami rin ang nalito sa pagpapatupad ng bagong guidelines ng DepEd.
Katuwiran naman ni Alejandro, may dalawang uri ng dahilan ng deklarasyon ng class suspension, una ay ang ibinababang warning signals ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration at ang desisyon ng DepEd kapag malakas ang ulan dulot naman ng Habagat o iba pang weather disturbance.
“Dalawa po kasi ang sinusundan natin, ‘yung isa, signal ng PAGASA, automatic verified po iyon, pero pag monsoon rain lalo na sa Region 1 at Region 2 at ibang area na monsoon rain ang dahilan pati sa Metro Manila, I think nag-suspend sila ng klase, discretion kasi iyon ng mga LGU but in coordination with the DepEd,” ayon kay Alejandro.
Dahil sa nasabing kalituhan ay lilikha sila ng patnubay na magagamit ng lahat,
“We will come up to facilitate a protocol na applicable sa lahat at maayos po ang pag-implement po, we will be coordinating with DepEd kasi hindi lang may signal para mag- suspend ng klase meron tayong ibang weather system na nagre-require suspension of classes, kailangan ding ayusin natin iyan,” dagdag ni Alejandro.
Nanawagan naman si Alejandro sa mga magulang at estudyante na kapag may kalamidad, sa awtoridad lamang kumuha ng impormasyon at sundin ang protocol.