Nation

UMENTO SA SAHOD NG HEAD TEACHERS ISINUSULONG SA KAMARA

/ 15 November 2020

NANINIWALA si Bulacan 1st District Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado na hindi natutumbasan o hindi sapat ang kasalukuyang sahod ng mga head teacher para sa kanilang mga obligasyon at tungkuling ginagampanan sa mga paaralan.

Dahil dito, inihain ng kongresista ang House Bill 2035 o ang proposed Head Teacher Salary Act na naglalayong itaas ang suweldo ng mga head teacher.

Sa kanyang explanatory note, sinabi ng mambabatas na ang head teacher ay job title na ginagamit ng mga paaraan sa pagtatalaga sa isang guro sa posisyon na halos katumbas ng school principal.

“The head teacher is responsible for the school’s administration on a number of levels, from ensuring designated curriculum is taught throughout the institution to setting and enforcing regulations for conduct,” pahayag pa ni Sy-Alvarado sa kanyang explanatory note.

Kabilang sa pangunahing obligasyon ng isang head teacher ay ang pagtiyak na nasusunod ang school’s standards,  kabilang na ang school’s academic standing.

Kasama rin sa responsibilidad ng head teacher ang pagbalangkas ng mga pagbabago sa academic requirements para sa mga pangangailangan ng mga estudyante at magulang at mapanatili ang dekalidad na edukasyon.

Trabaho rin ng head teacher ang pakikipag-ugnayan sa mga guro at mga magulang upang matiyak ang pagpapatupad ng tamang disiplina, code of conduct at curriculum sa paaralan.

“Head teachers typically work long and challenging hours in an academic environment,” giit pa ng mambabatas sa pagsusulong ng mas mataas na salary grade sa mga head teacher.