Nation

UGAT NG PAG-AARMAS NG MGA KABATAAN TUGUNAN — PARTYLIST REP

/ 25 November 2020

HINDI tamang iugnay agad ang Kabataan Partylist Group sa recruitment ng mga miyembro ng New People’s Army dahil lamang sa mga miyembro ng youth organization na nakasanib sa rebeldeng grupo.

Ito ang binigyang-diin ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago sa pagdinig ng Senado kaugnay sa isyu ng red-tagging.

“Hindi ako NPA. Hindi ako NPA recruiter. Hindi po bahagi o front ng CPP ang Kabataan Partylist. Hindi NPA recruiter ang Kabataan Partylist. Hindi rin ito nagre-recruit para maging NPA,” pagbibigay-diin ni Elago.

“Kung mayroon pong ilang naging NPA mula sa daan-daang libong naging miyembro ng Kabataan Partylist, sobrang illogical pong sabihin na nagrerecruit na ang organisasyon namin ng NPA. Maraming miyembro ang Kabataan Partylist na napunta sa iba’t ibang propesyon o larangan. May kalayaang magdesisyon ang bawat miyembro kung anong landas ang kanilang tatahakin sa buhay,” paliwanag pa ng kongresista.

Iginiit pa niya na mas makabubuting pag-usapan at tugunan ang mga ugat at dahilan kung bakit hanggang ngayon ay mayroong mga nag-armas at lumalaban.

“Kagaya ng karanasan sa Moro National Liberation Front, Moro Islamic Liberation Front at iba pang nagsusulong ng liberation movement sa bansa, kailangan po nating pag-usapan at tugunan ang kanilang mga hinaing,” dagdag ni Elago.

Itinanggi rin ni Elago na ang Communist Party of the Philippines ang namimili ng nominees ng Kabataan Partylist at iba pang partylist sa Koalisyong Makabayan.

“Hindi ito totoo. Ang totoo, Mr. Chair, ang Kabataan, bilang youth sectoral party, ay independent na pumili ng mga nominees sa demokratikong pamamaraan ayon sa aming Constitution and By-Laws,” paliwanag pa niya.

Binigyang-diin pa ni Elago na sa ngayon ay abala ang kabataan sa pakikipagtulungan sa frontliners sa paglaban sa Covid19 pandemic, gayundin sa pagtugon sa mga nabiktima ng mga kalamidad.

“The students are likewise at the helm of the call for quality, accessible and inclusive education amid pandemic. Following the onslaught of calamities, we strongly urged the Commission on Higher Education to heed the calls of students, teachers and education support personnel to declare a national academic break and implement academic easing,” dagdag pa ng youth representative.