UDM, PLM TEACHERS NASA PRIORITY LIST NG VACCINATION PROGRAM NG MAYNILA
INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na nasa priority list ng siyudad ang pagpapabakuna sa mga guro ng Unibersidad de Manila, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, at iba pang pampublikong paaralan sa lungsod.
Ayon kay Moreno, ang nasabing listahan ng mga uunahing bakunahan ay alinsunod sa direktiba ng Department of Health at ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases.
Ang mga guro ay babakunahan pagkatapos maturukan ang mga healthcare worker sa mga pribado at pampublikong ospital at mga barangay, at mga senior citizen.
“Naririyan din po ang pangangailangan na mabakunahan ang lahat ng mga public school teacher sa siyudad,” pahayag ni Isko sa kanyang opisyal na Facebook page.
Inilunsad na rin ng Maynila ang early registration para sa mga Batang Maynila na nais mabakunahan sa www.manilacovid19vaccine.com.
Samantala, pumasok sa isang kasunduan ang Maynila at British-Swedis vaccine maker AstraZeneca upang makabili ng 800,000 doses ng bakuna na darating sa lalong madaling panahon.