Nation

TV-BASED EDUCATION SUPORTADO NG KAMARA

/ 2 September 2021

INAPRUBAHAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang resolusyon na humihikayat sa Department of Education na gumawa ng television-based lectures na magagamit sa pagtuturo sa elementary at high school students sa panahon ng Covid19 pandemic.

Sa plenary session, in-adopt ng buong Kapulungan ang House Resolution 1978 na iniakda nina Reps. Marie Vilalraza-Suarez, Roman Romulo at Mark Go.

Sa ilalim ng resolution, hinihikayat ang DepEd na makipagtulungan sa Presidential Communications and Operations Office para sa pagbuo ng lectures.

Bubuo rin ng TV programs mula Lunes hanggang Biyernes para sa educational lectures at titiyakin ang technical assistance at support para sa epektibong implementasyon ng programa.

Gagamitin sa programa ang dalawang government-owned and operated TV stations na PTV 4 at IBC 13 para sa broadcasting ng pre-taped lectures para sa iba’t ibang subject sa ilalim ng basic education curriculum.

Pinatitiyak naman sa DepEd ang kalidad ng lectures na ibibigay sa mga estudyante sa pamamagitan ng pag-hire ng mga lecturer na magmumula rin sa mga guro.

Alinsunod sa resolution, ang pre-taped educational lectures ay hindi lalagpas ng isang oras para sa bawat grade level.

“It has been estimated that about 20 million Filipino households have television sets, which is a relatively high penetration rate given the fact that, as reported by the Philippine Statistics Authority, there are 22.98 million households in the entire country as of 2015,” nakasaad pa sa resolution.

Iginiit ng mga mambabatas na habang nagpapatuloy ang epekto ng Covid19 pandemic, kailangang maging mapamaraan ang gobyerno upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon para sa lahat.