Nation

TURNOVER SA DEPED KASADO NA SA JULY 18

MAGSISIMULA nang manungkulan sa Department of Education si Senador Juan Edgardo Angara simula sa araw na epektibo ang resignation ni Vice President Sara Duterte sa July 19.

/ 15 July 2024

MAGSISIMULA nang manungkulan sa Department of Education si Senador Juan Edgardo Angara simula sa araw na epektibo ang resignation ni Vice President Sara Duterte sa July 19.

Ayon kay Angara, July 18 nakatakda ang turnover ceremony at kinabukasan ay pormal na siyang magte-take over sa DepEd.

“Ang turnover namin sa July 18 ng umaga. ‘Yan ang paalam sa amin ng Office ni Vice President and outgoing Education Secretary, Ma’am Sara Duterte. ‘Yung pag-assume siguro sa next, sa sunod na araw. At kailangan nating mag-oath din,” pahayag ni Angara sa panayam ng DZBB.

“At kung may chance, hihingi rin ako ng advise ng ating Vice President dito sa kanyang karanasan sa nakaraang dalawang taon niya bilang pinuno o kalihim ng kagawaran ng education,” dagdag ng senador.

Bago pa ang turnover, kinumpirma ni Angara na nakipagpulong na siya sa ilang Undersecretaries at Assistant Secretaries ng DepEd para malaman ang mga bagay na kailangang agad pagtuunan ng pannsin.

“At alam natin ‘pag umpisa ng school year, usually may mga issues na lumalabas. So ano ‘yung mga in-expect natin? ‘Yan ang mga tanong natin at ano ‘yung mga possible issues na lumabas in the future,” paliwanag ni Angara.

Bagama’t may mga opisyal din, aniya, ng Kagawaran ang naghain din ng kanilang resignation ay hindi pa tiyak ni Angara kung magtatalaga ng mga bagong opisyal dahil kailangan pa rin niyang pag-aralan ang sistema sa ahensiya.