Nation

TULOY-TULOY NA PAGTUTOK SA COMPUTER MAY EPEKTO SA KALUSUGAN – CHED

/ 17 September 2020

AMINADO si Commission on Higher Education Chairman Popoy de Vera na may malaking pagbabago sa behavioral aspect ng mga estudyante ang online o distance learning.

Sa hearing ng House Committee on Appropriations sa panukalang P50.9 billion 2021 bugdet ng CHED, inirekomenda ni Laguna 1st District Dan Fernandez kay De Vera na pag-aralan ang pagpapatupad ng polisiya para sa online learning ng mga estudyante sa higher education.

Ito ay makaraang mapansin ni Fernandez na marami sa mga estudyante na nasa online learning ang hindi nakapokus sa pag-aaral dahil nahahati ang oras nila sa ibang bagay na hindi napapansin ng guro dahil nagpapatay sila ng camera.

Ipinaalaala ni Fernandez na hindi lamang kaalaman ang dapat na matutunan ng mga estudyante kundi maging ang pagpapanatili ng disiplina sa mga ito.

Kinatigan ni De Vera ang pahayag ng konrgesista at sinabing malaki ang pagbabago dahil sa flexible learning mode subalit wala namang maituturing na eksperto pagdating sa kasalukuyang sistema dahil ito ang unang pagkakataon na nangyari  ito sa bansa.

Kaugnay nito, nangako ang opisyal na pag-aaralan ang epekto ng teknolohiya sa flexible learning dahil hindi rin naman maaaring maging tuloy-tuloy na nakatutok sa computer o sa gadgets ang mga estudyante dahil may epekto ito sa kalusugan.

“Tama ka dyan, you have to check as well ‘yung distance.  Pag-aralan po ninyo, set a parameter,  let the student feel (classroom setting pa rin). Dapat maramdaman nila na may responsibilidad sila, the same thing na pumapasok sila sa eskwelahan,” sagot naman ni Fernandez.

Pinuri rin ni Fernandez ang paninindigan ni De Vera laban sa academic freeze at iginiit na dapat lamang na tuloy-tuloy ang pag-aaral sa gitna ng pandemya.

“We are learning as one basically. Best practices are replicated by others and worst practices are avoided,” sagot naman ni De Vera.