TULONG SA MGA GURONG MAHAHAWAAN NG COVID19 PINATITIYAK SA DEPED
PINASISIGURO ng isang teachers’ group na mabibigyang tulong ng Department of Education ang mga gurong mahahawaan ng Covid19 sa pagbubukas ng limited face-to-face classes.
Ayon kay Teachers’ Dignity Coalition chairman Benjo Basas, kailangang lumagda ang DepEd sa isang dokumento upang masigurong tutulungan ng kagawaran ang mga guro.
“Upang matiyak ang pananagutan, dapat lumagda sa isang dokumento ang DepEd na tutulong o mananagot ang ahensiya sakaling mayroong mahawaan ng Covid19 dahil dito,” sabi ni Basas.
Bagaman mahalaga ang in-person classes, iginiit ni Basas na importante rin ang kalusugan at kaligtasan ng mga guro at estudyante.
Sinabi naman ni Education Assistant Secretary Malcolm Garma na susuriin ng kagawaran kung job-related ang pagkakahawa ng virus.
“Ang DepEd naman po ay siyempre susuriin po natin ‘yong sanhi ng pagkakahawa o transmission ng teacher, ito ba ay job-related,” ayon kay Garma.
“Then that is when we determine [kung] ano ba ang tulong na puwede nating ibigay sa kanya. Hindi lang ako makatugon kung ito ba ay monetary or otherwise,” dagdag pa niya.