Nation

TULONG SA LEANERS NA SINALANTA NI ‘ROLLY’ IPINANAWAGAN NG LFS

/ 3 November 2020

BATID ng League of Filipino Students na marami sa mga mag-aaral ang naging biktima ng bagyong Rolly, partikular na ang mga nakatira sa Bicol region.

Ayon kay LFS National Spokesperson Carwyn Candila, nanawagan na sila sa iba pang chapter ng grupo para mabigyan ng tulong ang mga kapwa nila mag-aaral.

Kabilang sa inaalala ni Candila ang learning module ng mga mag-aaral na posibleng nawasak dahil sa flashflood at pagragasa ng lahar sa Albay.

Sinabi niya na problema na ng maralitang mag-aaral ang kagamitan sa online class gaya ng laptop, tablet at cellphone,  at maging ang connectivity subalit dahil sa kalamidad ay pati learning materials ay problema na rin ng mga biktima ng pagbaha.

Ayon kay Candila, magsasagawa agad sila ng relief operations para sa mga kapwa mag-aaral bukod pa sa paghimok sa ibang kasamahan na magbigay ng tulong para may maiabot sa mga biktima.

“The League also calls on its chapter formations all over the country to conduct relief operation drives and extend its help to victims of Super Typhoon Rolly,” sabi ni Candila.

Batay sa report, 16 na ang nasawi at tatlo ang nawawala nang bayuhin ng bagyo ang Albay.

Kabilang sa mga namatay ang isang limang taong gulang na bata na tinangay ng rumaragasang baha na may lahar.

Una nang sinabi ni Albay Governor Al Francis Bichara na dahil sa malakas na current ay nasira ang dike habang umapaw ang lahar, dahilan kaya nadisgrasya ang bata.