Nation

TULONG NG PUBLIKO VS BENTAHAN NG MALALASWANG LARAWAN SA INTERNET HINILING

/ 22 March 2021

HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang publiko na makipagtulungan upang tuluyang malipol ang sindikato na nagbebenta ng malalaswang larawan ng mga estudyante sa internet.

Hinikayat ng senador ang publiko na agad ireport sa mga awtoridad kung may makikitang mga malalaswang larawan na ibinebenta sa social media.

“Kung mayroon talagang sindikato diyan ay ipakulong na natin dahil hindi tamang bumibili ng malalaswang litrato galing sa mga estudyante,” diin ni Gatchalian.

Ipinaalala rin ng senador na ang mga ganitong uri ng aktibidad ay pasok sa child abuse law at maaaring makulong ang sinumang mapatutunayang sangkot dito.

“Pero ganoon pa man, kung may nakikita tayong ganito ay ireport na rin natin. Unang-una, payuhan na natin ang mga nagbebenta na ‘wag nilang gawin ‘yun. Pangalawa, kapag may bumibili, payuhan ninyo rin sila na itinigil na rin ‘yun dahil kulong po ang katapat niyan. Dahil under our law, kasama ito sa child abuse at pagbibili po ng pornographic material,” paliwanag pa ng senador.

Ikinatuwa rin ni Gatchalian ang mabilis na aksiyon ng Department of Justice sa ulat hinggil sa bentahan ng malalaswang larawan sa internet.

“Inalerto na namin ang DOJ,  sa ilalim ng DOJ ay mayroon silang InterAgency Task Force na tumitingin nito. Inalerto na namin. In fairness, ang bilis ng galaw at naimbestigahan na ito,’ dagdag ng senador.