TUKLASIN ANG TUKLAS: BAGONG LIBRARY TOOL NG UP SYSTEM
BILANG premyado at nangungunang Pamantasan sa Pilipinas, sinisikap ng Unibersidad ng Pilipinas na mas mapagbuti pa ang mga serbisyo nito para sa mga mag-aaral lalo na ngayong panahon ng pandemya at ganap na online ang mga klase hanggang Disyembre.
Nitong Hulyo 14, inilunsad ng UP University Library ang bagong library search engine tool na pinangalanang Tuklas, isang web-based all-in-one search tool gaya ng Online Public Access Catalog, na sumasaklaw sa lahat ng mga limbag at elektronikong rekurso’t babasahin na makikita sa lahat ng aklatan sa buong UP System.
Ayon sa UPDate, ang webpage na ito ay dinebelop ng kasalukuyang University Librarian ng Diliman na si Chito Angeles. Binatay niya ito sa search engine na VuFind ng Villanuva University – Falvey Memorial Library.
Hindi na mahihirapan ang mga iskolar ng bayan sa paghahagilap ng mga babasahin sapagkat isang webpage na lamang ang kanilang pupuntahan para matukoy ang pinaglalagakan ng kinakailangan nilang sanggunian – sa alinmang kampus ng UP.
Maaakses ng ninoman ang Tuklas, subalit may karampatang paraan ng panghihiram at paglalabas ng mga libro o dyornal, kung kakailanganin. Makipag-ugnayan sa Tuklas at bisitahin ang bagong webpage: https://ds.mainlib.upd.edu.ph/