TUITION AT IBA PANG FEES SA GITNA NG BLENDED LEARNING PINABUSISI SA KAMARA
HINIMOK ni Sorsogon Rep. Evelina Escudero ang House Committee on Basic and Higher Education at ang iba pang komite na magsagawa ng imbestigasyon sa sinisingil na matrikula at iba pang bayarin ng mga paaralan sa gitna ng umiiral na blended learning system.
Sa House Resolution 1503, sinabi ni Escudero na hindi lamang ang kalusugan ng populasyon sa mundo ang apektado ng Covid19 pandemic kundi naparalisa rin nito o binigyang limitasyon ang educational system.
Bagama’t nagpatupad ng quarantine restrictions, tuloy ang pag-aaral sa pamamagitan blended, online o non-face-to-face system of learning.
Tuloy rin naman ang paniningil ng mga paaralan, kolehiyo, unibersidad at iba pang institutions of learning.
Dahil dito, iginiit ni Escudero sa kanyang resolusyon na dapat magkaroon ng mga datos at impormasyon ang komite upang matukoy kung sapat ang sinisingil na matrikula, miscellaneous o iba pang fees sa mga estudyante.
“The lack of data or information, and the absence of legislative actions to regulate this matter may cause adverse effects to students and parents,” pahayag ni Escudero sa kanyang resolusyon.