Nation

TUGON SA BANTA NI DU30: PONDO NG UP DAPAT DAGDAGAN SA HALIP NA TANGGALIN — LAWMAKERS

/ 19 November 2020

SA HALIP na tanggalan ng pondo ay mas nararapat pang dagdagan ng budget ang state universities and colleges.

Ito ang binigyang-diin ng ilang senador at kongresista sa gitna ng banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na tatanggalan ng pondo ang University of the Philippines kasunod ng panawagan na academic break dahil sa sunod-sunod na kalamidad sa gitna ng Covid19 pandemic.

“No state university or college should get a budget cut. The amount in the proposed budget should be retained, and will be benchmarked as the floor, meaning it can still be increased,” pahayag ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto.

Binigyang-diin ni Recto na karapat-dapat ang budget increase sa mga SUC, lalo na sa UP-PGH  na nangangailangan ng karagdagang kagamitan sa pagtugon sa pandemya.

Ipinaalala naman ni Senador Kiko Pangilinan na ‘legally infirm’ na maituturing kung itutuloy ang pag-aalis ng pondo sa UP at ang mas nararapat ay ipatupad ang mass promotion sa mga estudyante.

“I think the faculty of the University of the Philippines-Diliman is considering this — at least a recommendation that there’ll be a mass promotion, if I understand it correctly, [that] is pass or fail. In other words, they’ve done maybe 90% of the semester, and therefore mayroon nang basis to have them account for their performance. I am looking at that as a possible next step for the time being because of all the gaps of online distance learning,” pahayag ni Pangilinan.

Ipinaalala ni Pangilinan na sa ngayon ay nahihirapan ang mga magulang at estudyante sa ‘back-to-back-to-back’ na bagyo na nanalasa sa bansa kaya hindi nakatutulong ang mga pagbabanta.

“I can understand where the youth and students are coming from. After all these typhoons, Bicol is devastated, Cagayan is devastated. And then we’re having online distance learning..Given the damage to infrastructure in these areas, they should be seriously considered,” paliwanag pa ni Pangilinan.

Nanindigan naman sina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite at Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na lehitimo ang panawagan ng mga kabataan para sa academic ease at accountability sa criminal negligence ng administrasyon sa gitna ng mga kalamidad.

“Sa gitna ng sakuna at habang ang marami sa mga kababayan natin ay biktima ng bagyo, nagawa pang manakot na tatanggalan ng pondo at mag-red-tag ni Pangulong Duterte sa mga kabataan na nananawagan ng pananagutan sa kapabayaan ng gobyerno. NTF-ELCAC ang dapat na i-detund, hindi UP,” pahayag ni Castro.

Sinabi naman ni Gaite na ang mas dapat gawin ni Pangulong Duterte ay makinig sa hinaing ng mga Iskolar ng Bayan at huwag lamang maging limitado ang kilos sa aerial inspections at media gimmicks.

“Bumaba siya sa helicopter niya at makinig sa hinaing ng taumbayan, baka sakaling maintindihan niya kung saan nanggagaling itong mga kabataang nagpoprotesta,” giit ni Gaite.

“Makatarungan ang hinaing ng mga estudyante sa buong bansa sa gitna ng sakuna at pandemya. Kailangan natin silang pakinggan, hindi pagbantaan. Focus po tayo sa issue, Mr. President. Hindi komunismo ang isyu rito kundi ang tunay na kalagayan ng mamamayan,” pahayag naman ni Elago.