TRANSPORT GROUP IHIHIRIT NA IBALIK ANG DATING RUTA PARA SA MGA ESTUDYANTE
DALAWANG linggo mula ngayon, hindi nawawalan ng pag-asa ang isang transport group na maibalik ang dating ruta ng jeepney, UV express at bus sa Metro Manila at probinsya para sa kapakanan ng mga magbabalik-eskwela.
Ayon kay Orlando Marquez, pangulo ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, upang maging maalwan ang biyahe ng mga mag-aaral patungo sa paaralan ay dapat na ibalik ang mga tinanggal na ruta.
Aniya, ngayon pa lamang na wala pang pasukan ay hirap na ang mga commuter sa Metro Manila at batay sa pag-aaral ng iba pang grupo, 15% ang madaragdag sa mga mananakay kapag umarangkada na ang face-to-face classes.
Ang nasabing porsiyento ay sa Metro Manila pa lamang at hindi pa kasama ang mga lalawigan.
Isa pang pahirap sa ngayon ay pinutol-putol ang kasalukuyang ruta ng mga sasakyan kaya dagdag-gastos ito sa mga estudyante.
Umaasa si Marquez na pagbibigyan sila ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na maibalik ang dating ruta upang makapakinabangan ng lahat lalo na ng mga mag-aaral.