TRAININGS, TECHNICAL EDUCATION SA REHABILITATED DRUG DEPENDENTS IPINASASAMA SA BUDGET NG TESDA
UPANG tuluyang matulungan ang mga drug dependent na natapos nang isalang sa rehabilitation, isinusulong ng isang kongresista sa Kamara ang panukala na mag-oobliga sa Technical Education and Skills Develeopment Authority na pondohan ang training para sa mga ito.
Sa House Bill 903, sinabi ni Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano na malaki ang papel na gagampanan ng TESDA sa pagtiyak na maisasaayos ang buhay ng mga rehabilitated drug dependent.
“This bill aims to institutionalize trainings and program dedicated towards sustainable rehabilitation of drug dependents in the programs of TESDA and appropriating corresponding funds for the said program,” pahayag ni Paduano sa kanyang explanatory note.
Bilang bahagi ng reformation, sinabi ng kongresista na mahalaga ang schooling at training sa mga rehabilitated drug dependent upang muling maisaayos ang kanilang values and confidence.
“Technical education and skills development, geared to make them self-reliant, productive and more importantly employable, will make them more equipped in their immersion back to society,” dagdag pa ng kongresista.
Alinsunod sa panukala, mandato ng TESDA na isama sa kanilang annual budget ang alokasyon para sa training at technical education sa mga rehabilitated drug dependent.
Bubuo rin ang TESDA ng educational program na nababagay para sa kanila at magkakaroon din ng ugnayan sa Department of Labor and Employment para sa mga job opportunity.