Nation

TRAINING PROGRAMS BABAGUHIN NG TESDA DAHIL SA COVID19

/ 26 September 2020

KINUMPIRMA ni Technical Education and Skills Development Authority Director General Isidro Lapeña na plano nilang baguhin ang kanilang training programs dahil sa epekto ng Covid19 pan-demic.

Sa hearing ng Senate Committee on Finance sa P13.7 billion proposed budget ng TESDA para sa 2021, sinabi ni Lapeña na layon nito na tumugma ang kanilang programa para sa demand sa trabaho.

Ayon kay Senadora Nancy Binay, dahil sa krisis na idinulot ng Covid19 pandemic, isa sa pangunahing apektado ay ang demand sa trabaho para sa sektor ng turismo kaya iginiit niya sa TESDA na magkaroon ng adjustment sa ibinibigay na training.

“Yes after Covid, we will make adjustments also in our allocation of funds,” sagot ni Lapeña.

Kaugnay nito, sinabi ni Senador Joel Villanueva na maaaring ikonsidera ng TESDA na paigtingin ang kanilang digital career courses dahil sa tumaas na demand para rito.

Samantala, kinuwestiyon ang TESDA sa underspending nito sa pondo para sa scholarship pro-gram makaraang iulat ng Department of Budget and Management na mayroon pang P3.6 bilyong natitirang pondo ang ahensiya noong 2019 at nasa P7.2 bilyon pa para ngayong taon.

Ipinaliwanag naman ni Lapeña na nagkaroon ng delay sa kanilang paggastos noong 2019 dahil sa eleksiyon habang ngayong taon ay bunsod naman ng Covid19.

Tiniyak din ng opisyal na mayroon na silang nakahandang catch up plan sa paggastos ng pondo kasama na ang pagpunan sa scholarship slots.

Sa gitna pa rin ito ng pag-aalala ni Villanueva dahil batay sa tala, nasa 12,393 pa lang ang naka-enroll mula sa target na 400,000 scholars bago ang Covid19 na ibinaba na sa 220,000 dahil sa pandemya.

“We are confident, we can use these funds para sa mga kababayan natin dahil marami ang nangangailangan ng training. Kapag na-lift na ang community quarantine, we can go full steam ahead of the trainings, daming naghihintay nyan,” diin ni Lapeña.