TRAINING NG MGA GURO PARA SA K TO 10 ARANGKADA NA
NAGSIMULA na ang pagsasanay ng mga guro para sa pagpapatupad ng recalibrated Kindergarten to Grade 10 o K to 10 curriculum para sa basic education, ayon sa Department of Education.
Sinabi ni DepEd deputy spokesperson Assistant Secretary Francis Bringas na sakop ng pagsasanay ang mga guro na nagtuturo sa Kinder, Grade 1, Grade 4, at Grade 7 — na siyang target ng revised K to 10 curriculum na magsisimula sa School Year (SY) 2024-2025.
“Mag-start na this week ang ating training of trainers para sa rollout ng ating bagong curriculum. Lahat ng guro na magtuturo sa Kinder, Grades 1, 4, and 7 next school year ay mate-train na sila starting this last week of January hanggang matapos ‘yung ating school year,” ayon kay Bringas.
Ang nasabing moda ng pagtuturo na tinawag na MATATAG K-10 curriculum ay unang isasasagawa sa 35 schools nationwide.
Kabilang dito ang limang paaralan sa Metro Manila, kasama ang Malabon City, tig-lima sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Visayas, Soccsksargen, at Caraga.
“Ibinigay natin ang bagong curriculum sa Kinder, Grades 1, 4, and 7. Ito rin ay nag-undergo ng ongoing research kung paano pa magiging mas mabuti at seamless ang ating pag-implement this coming school year nationwide for all public schools and private schools,” dagdag pa ni Bringas.