Nation

TRABAHO CENTER SA BAWAT PUBLIC HIGH SCHOOL ISINUSULONG

/ 9 September 2020

UPANG mapunan ang agwat sa demand sa job market at sa kakayahan at kaalaman ng mga graduate, iminungkahi ng isang mambabatas ang paglalagay ng mga Trabaho Center sa bawat public high school.

Sa House Bill 7106 o ang proposed Trabaho Centers in Schools Act, sinabi ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas na isa sa pangako ng K to 12 Basic Education Program ang maging handa sa employment ang mga makatatapos ng programa.

“At present, unfortunately, even earning a college degree does not guarantee that our young graduates will find a job right away,” pahayag ni Vargas sa kanyang explanatory note.

Batay sa panukala, ang mga itatayong Trabaho Centers o Job Placement Offices ay makikipag-ugnayan sa provincial, city o municipal public employment service offices at pamamahalaan ng Trabaho Center Coordinators sa Department of Education Division Offices.

Tungkulin din ng Trabaho Centers ang pagbuo ng partnership sa Educationsl Institutions, Non-Government Organization, Industry Associations and members at local government units.

Nakasaad pa sa panukala na bubuo ang mga paaralan ng bago at innovative systems para maihanda ang mga estudyante sa karera na nais nilang pasukin depende sa kanilang talento at kakayahan na akma sa pangangailangan ng labor market.

Ang bawat Trabaho Center ay magkakaroon ng isang Trabaho Center Career Advocate na mamamahala sa updated database para sa job vacancies, magbibigay ng ugnayan sa mga employer at mga estudyante, mamamahala sa testing at evaluation instruments at mangunguna sa mga guro sa pagsasagawa ng Annual National Career Assessment Examination.