TOURISM EDUCATION, TRAINING ISUSULONG NG DOT
NAIS ng Department of Tourism na iinstitusyonalisa ang pagkakaisa ng sektor ng edukasyon sa pagsusulong ng Tourism Education and Training para sa mga Filipinong sasabak sa industriya ng turismo sa nalalapit na hinaharap.
Upang maisakatuparan ito, gayundin ang pagpapanatili ng dekalidad na tourism education sa Filipinas, nakipagtuwang ang DOT sa Commission on Higher Education, Department of Education, Technical Education and Skills Development Authority, at Tourism Industry Board Foundation, Inc.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, highlight ng programa ang pagpapabuti ng technical and vocational education sa mga pampublikong paaralan mula junior hanggang senior high school, sa pamamagitan ng DepEd at TESDA.
Paiigtingin ang TVL Track habang dinaragdagan at pinalalakas pa ang mga paksang panturismo at pagpapamulat sa mga mag-aaral na lumahok sa naturang industriya.
Sinabi pa ni Romulo-Puyat na susi ito upang maging madali ang transisyon ng araling turismo sa kursong BS Tourism at iba pang alyadong disiplina.
Dagdag pa niya, ang pagsasanay sa mga propesiyonal sa larangan ay maiaangat din sapagkat sigurado na ang pundasyon ng mga ito mula pa lamang sa basic educaton.
Inaasahan ni Puyat na magiging matagumpay ang programa para tugunan ang hinihingi ng National Tourism Development Plan 2016-2022 at para suportahan ang ASEA Mutual Recognition Arrangement on Tourism Professionals.
Nakikita ni Puyat na mayroon itong malaking ambag sa pagpapaunlad ng ekonomiya at kalagayang pandaigdig ng Filipinas.
“We hope that this convergence will pave the way to a seamless transition from Senior High School to Higher Education, ensuring that our students are ready when they enter the industry,” pahayag niya.
Noong Nobyembre 5 ay pormal nang nilagdaan ang memorandum of understanding ukol dito na pinamagatang ‘Moving Forward and Beyond’ at dinaluhan nina CHED Chairman Prospero de Vera III, Education Secretary Leonor Briones, TESDA Director-General Isidro Lapena, at TIBFI Chairman Christina Aquino.