Nation

TOP METRO MANILA UNIVERSITIES TARGET SA NPA RECRUITMENT

MATAGAL nang alam ng mga kilalang unibersidad sa Metro Manila na nakapupuslit ang mga kaalyadong organisasyon ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa kanilang mga campus upang manghikayat ng mga mag-aaral na sumapi sa kanilang samahan.

/ 24 January 2021

MATAGAL nang alam ng mga kilalang unibersidad sa Metro Manila na nakapupuslit ang mga kaalyadong organisasyon ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa kanilang mga campus upang manghikayat ng mga mag-aaral na sumapi sa kanilang samahan.

Ito ang inihayag sa The POST ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, at ibinunyag na noong September 2018 pa nila ipinaalam sa mga unibersidad sa Metro Manila ang ginagawang pagre-recruit ng mga rebelde na ang modus ay gumagamit ng student organization at ang front ay ang activism.

Ang pahayag ni Parlade sa The POST ay kasunod ng panayam sa kanya sa isang TV news program kung saan tinukoy niya ang top universities na kabilang sa 18 learning institutions na napasok na umano ng mga makakaliwa para makapag-recruit ng mga mag-aaral at maisama sa kabundukan.

Kabilang sa partikular na tinukoy ni Parlade ay ang University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines, De La Salle University, Ateneo, Adamson, University of Santo Tomas at Far Eastern University.

Sinabi ni Parlade na inaasahan na niya na may mga aalma sa pagbanggit niya sa pangalan ng mga unibersidad at idadahilan na baka wala nang mag-enrol pero iilan lamang, aniya, ang posibleng tumanggi dahil ang totoo ay nakikipag-ugnayan na sa kanila ang ilang opisyal ng unibersidad para masagip ang kanilang mga estudyante mula sa komunismo.

Sinabi pa ni Parlade na simula noong 2018 ay naipaliwanag na nila sa naturang mga unibersidad na nais lamang nilang pigilan ang mga learner na mahikayat ng mga rebelde at nakikipagtulungan naman, aniya, ang mga ito.

“Alam na nila iyon, at nagpapasalamat sila sa amin.,”

Sa katunayan, sinabi niya na isa sa mga nakipag-ugnayan dati sa kanila ay si Sister Mary John Mananzan ng St. Scholastica’s College na nagnais na maisalba ang mga mag-aaral laban sa CPP-NPA recruitment.

Naniniwala rin si Parlade na maganda ang kahihinatnan ng kanyang pagtukoy sa mga top university na puntirya ng CPP-NPA dahil maitataboy ang mga ito at magiging mulat din ang mga mag-aaral upang hindi malinlang ng mga organisasyong nagpapanggap na may malasakit sa bayan.