TOP BRASS NG PNPA BINALASA DAHIL SA MURIACTIC ACID HAZING
KASAMA ang director at cadets commandant ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa siyam na opisyal na mahaharap sa pre-charge at imbestigasyon sa naganap na Muriatic Acid Hazing na sumugat sa 20 kadete ng nasabing police state academy sa Silang, Cavite.
Sa Monday Press Conference sa Camp Crame na pinangunahan nina Interior Secretary Juan Victor ‘Jonvic” Remulla at PNP Chief, Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. kinumpirma na 24 kadete ang sangkot sa nasabing kaso kasama na ang tatlong suspek na ngayon ay hawak na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ang tatlong kadete na may ranggong 3rd Class Cadets ay nahaharap sa paglabag sa anti-hazing law habang mayroon pang pitong iba na iniimbestigahan na rin.
Sinabi ni Remulla na bagaman sa ngayon ay maaayos na ang kalagayan ng 22 plebo makaraang sabuyan ng muriatic acid, itinuturing na karumal-dumal ang ginawa ng mga suspek.
Nasunog, aniya, ang likod ng mga biktima at mayroon pang umabot sa maselang bahagi ang pagkasunog dahil sa isinaboy na pinaghalong liquied sosa at muriatic acid sa mga ito.
Tiniyak din ni Remulla na wala namang babaeng kadete ang nadamay sa nasabing insidente na naganap noong April 3 o Biyernes Santo sa kanilang barracks.
Samantala, inihayag ni Nartatez na nagsasagawa na ng malalimang inbestigasyon ang CIDG kasama ang liderato lalo na’t may ranggong 2-star general ang pinuno ng PNPA at 1-star general naman ang commandante.
Aniya, noong Biyernes ay kanya nang inaprubahan ang rekomendasyon na imbestigahan at panaguting ang mga opisyal ng PNPA mula sa director, commandant ng corps o cadets hanggang sa mga tactical officers at mahaharap sa kasong kriminal at administratibo dahil mahigpit na ipinagbabawal ang hazing sa ilalim ng Anti-h=Hazing Law of 2018.
Dahil isasalang sa imbestigasyon ang top bras ng PNPA, awtomatiko ang reshuffle sa nasabing institusyon.
Kahapon din ay ikinasa ang command conference kung saan sentro ng mga pag-uusapan ay ang naganap sa PNPA.