TOP 10 PNPA HINIRANG CLASS OF 2021 PINURI NI SINAS
DALAWANG araw bago ang pagtatapos ngayong araw, Abril 21, iniharap ni Philippine National Police Academy Director, Maj. Gen. Rhoderick Armamento kay PNP Chief, Gen. Debold Sinas ang 10 pinakamahuhusay na magtatapos na miyembro ng PNPA Hinirang Class of 2021 sa Camp Crame sa Quezon City noong Abril 19.
Pinuri ni Sinas ang top 10 graduating cadet class at sinabing isang magandang pagkakataon na sa panahon niya bilang PNP chief ay nagtapos ang PNPA Hinirang Class of 2021 dahil kapangalan ng kanyang kinaanibang 1987 PMA Class na Hinirang.
Isa rin aniyang milestone sa PNPA ang pagtatapos ng 254 kadete na bagaman isang taon silang sumailalim sa blended learning bunsod ng Covid19 pandemic ay agad silang nakasabay sa new normal.
Sinabi ni Armamento na upang hindi maapektuhan ang pag-aaral at pagsasanay ng mga kadete ay agad silang gumawa ng hakbang gaya ng mga ipinatupad ng mga normal na kolehiyo at unibersidad, online classes bilang pagsunod sa health protocols.
Kabilang sa kanilang mga ginawa ay ang pagpapatupad ng bubble system kung saan ang mga propesor ay namalagi na rin sa loob ng akademya sa Camp Castaneda, Silang Cavite upang maiwasan ang hawahan ng sakit.
Habang ang mga estudyanteng kinailangang i-quarantine ay nagpatuloy rin sa pag-aaral sa pamamagitan ng online class at upang matiyak na natututo ang mga ito kahit nakabukod ay mayroong silang mga facilitator.
Samantala, ang 10 nanguna sa klase ay sina F/CDT Kenneth John Espallagar Etucas, ng Tinagacan General Santos City; P/CDT Carljobel Perez Lofranco ng Dait Sur, Inabanga, Bohol; P/CDT Joel James Jose De Guzman ng Malubibit Norte, Flora, Apayao; CDT Kenneth Van Alegasin Encabo ng Davao; P/CDT John Kenneth Florentino ng Iligan City, Lanao del Norte; CDT 1C Cornelio ng Zamboanga del Norte; P/CDT Gerald Arquillano Lopez ng Island Garden City of Samal, Davao del Norte; P/CDT Ian Poyaoan Limbawan, ng San Carlos, Pangasinan; PCDT Chervil Lerios Ferenal ng Lanao del Sur; at F/CDT Michael Allen Pabustan Lennon ng Sta. Lucia Capas, Tarlac.