TITSER SA NAG-VIRAL NA TIKTOK NAG-SORRY
HUMINGI na ng tawad ang guro na nag-viral sa TikTok na nagpapakita umano ng posibleng child abuse, ayon kay Teachers’ Dignity Coalition chairman Benjo Basas.
Ani Basas, sinabi ng guro na ito ay katuwaan lamang.
“Again, hindi naman natin pupuwedeng sabihin na ‘yung lahat ng mga bagay basta katuwaan lang ay palalampasin po natin,” sabi ni Basas.
“Kaya nga po sabi namin ay kinakailangan naman talaga itong paalalahanan at nang makita po natin kung ano ‘yung intention kasi mahirap naman i-establish ‘no but of course sa child abuse, hindi naman kailangan ng intention ‘no, basta mayroon pong perceived at ‘yun nga potential abuse na puwedeng makita ng awtoridad or ‘yung offended party if ever ay, child abuse would exist,” dagdag pa ni Basas.
Nauna nang sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na kailangang patawan ng karampatang parusa ang naturang guro.
Nagpasalamat naman si Basas na agad itong tinugunan ng eskuwelahan ng guro.
“Nagpapasalamat din tayo na hindi naman ito pinalampas din ng kanyang school at nagkaroon ng investigation, na ‘yung discipline committee ng eskwelahan ay tinipon at ‘yun nga, nagkaroon ng tinatawag po natin po ano na recommendation para sa puwedeng gawin ng ating teacher.”