Nation

TITSER SA BIKOL NAG-IISANG PINOY NOMINEE SA GLOBAL TEACHER PRIZE 2020

/ 31 August 2020

ISANG Mobile Teacher sa Alternative Learning System ng Sitio Lipata Community Learning Center sa Caramoan Camarines Sur ang pumasok sa Top 50 Nominees ng Global Teacher Prize 2020 – ang pinakaprestihiyosong gawad para sa mga pinagpipitaganang guro sa buong mundo.

Si Mobile Teacher Windel Alvarez ang natatanging Filipino na nakapasok sa shortlist ng naturang award-giving body. Bitbit niya ang kanyang kakisigang makapagturo sa mga mamamayan ng Caramoan na walang kakayahang makapag-aral dala ng kahirapan at karahupan ng akses sa transportasyon patungong sentro.

Ibinahagi ni Alvarez sa Global Teacher Prize na siya’y biktima rin ng kahirapan. Sinariwa niya ang lahat ng mga ginawa niyang sakripisyo para makapagtapos ng Batsilter sa Edukasyon at makapasa sa Licensure Examination for Teachers noong 2005.

Sa kaniyang pagtuturo ng health and sanitation, financial literacy, tree planting, at environmental care ay 126 na mag-aaral na ang kanyang naagapayan para makapasa sa ALS Accreditation and Equivalency Test. Sinikap niya ring makapagpatayo ng testing and learning center sa distrito ng Caramoan nang sa gayon ay mas maraming mag-aaral pa ang kanyang matulungan.

Malaki ang naibunga ng mga sakripisyo at pagmamahal sa bayan ni Alvarez. Katunaya’y ginawaran siya noong 2018 ng Civil Service Commission Outstanding Government Worker Award at ng National Alternative Learning System Teacher Award.

Sakali mang mapagwagian ang titulo at ang $1 milyong premyo, nais niyang sustenahin ang mga nasimulan niyang hakbangin sa komunidad – pagpapaigting ng mga gawaing pampagtututong magbasa, magsulat, at magnegosyo. Gayundin, tututukan niya ang eco-tourism at ang pagpopormalisa ng isang pampublikong aklatan.

Ang ALS ang alternatibong sistemang pang-edukasyon ng Kagawaran ng Edukasyon na may  layuning abutin at turuan ang mga Filipinong hindi nakapasok sa pormal na paaralan ng mga paksang makapagpapahusay ng kanilang praktikal na mga kasanayan. Mayroong partikularidad ang ALS sa mga out of school youth at sa mga matatanda na pero nais pa ring makatapos at magkaroon ng diploma.