Nation

TIMELINE SA IMPLEMENTASYON NG MAGNA CARTA FOR PUBLIC SCHOOL TEACHERS IPINAAAYOS

/ 23 October 2020

MARAMING probisyon sa Magna Carta for Public School Teachers ang hindi naipatutupad bunsod ng kawalan ng sapat na budget dahil na rin sa kabiguan ng Department of Education na magsumite ng budget estimates sa Kongreso.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na nakapaloob sa Magna Carta na mandato ng DepEd na magsumite sa Kongreso ng kinakailangang alokasyon para sa pagpapatupad ng mga probisyon kada taon.

“Frankly speaking, I haven’t seen that budgetary estimates. I haven’t seen a timetable that will lay down the implementation of this Magna Carta,” pahayag ni Gatchalian.

Bukod sa budgetary requirement, nais din ng senador na magsumite ang DepEd ng kanilang timeline para sa full implementation ng mga probisyon sa Magna Carta.

Sa pagdinig, inisa-isa ni DepEd Undersecretary Jess Mateo ang mga probisyon sa Magna Carta na kanila nang ipinatutupad, kabilang ang karagdagang honoraria sa mga guro na binibigyan ng extra workloads; P3500 cash allowance sa mga guro kada taon; World Teacher’s Allowance na P1,000 kada taon at ang kanilang proportional vacation pay.

Idinagdag ni Mateo na naibibigay na rin ang P2,000 kada buwan na cost of living allowance ng mga guro, gayundin ang P500 kada taon na medical and treatment compensation;  maging ang salary increase upon retirement at ang definite leave.

Samantala, iginiit ng Civil Society Network for Education Reforms o E-Net Philippines na 36 probisyon sa Magna Carta ang ‘wrongfully implemented’ o ‘under implemented’, kabilang na ang

tudy leave with pay,  anim na oras na trabaho, one rank promotion upon retirement,  special hardship allowance, hazard pay,  annual free medical check up and hospitalization, at indefinite sick leave.

Isa naman sa naging sentro ng presentasyon ni Teachers Dignity Coalition National Chairperson Benjo Basas ang hindi pa rin naipatutupad na limitasyon sa oras ng trabaho ng mga guro at ang hindi pagtanggap ng overtime pay ng mga ito sa tuwing lalagpas sa anim na oras ang kanilang pagtatrabaho.

Pinuna rin ni Basas ang hindi pagsunod ng DepEd sa probisyon sa Magna Carta na hindi maaaring ilipat ng assignment ang mga guro nang walang consent nito.

Itinakda naman ni Gatchalian ang pagpapatuloy ng pagdinig hinggil sa Magna Carta for Public School Teachers sa October 29 at ipinasusumite sa DepEd ang kanilang timeline at budgetary requirements sa implementasyon ng mga probisyon.