‘TIGIL KLASE’ NG 28 HIGHER EDUCATION INSTITUTIONS NGAYONG SCHOOL YEAR
SINABI ng Commission on Higher Education na nasa 28 higher education institutions ang nagpaalam na magsususpinde ng operasyon para sa academic year 2020-2021.
“So far po we received siguro mga 28 requests for them to temporarily suspend their operations, actually hindi pa naman po closure ang kanilang hinihingi but temporary closure of their programs,” pahayag ni CHED Executive Director Atty. Cinderalla Filipina Benirez-Jaro.
Napagkasunduan ng komisyon na hanggang isang taon lamang maaaring magsuspinde ng operasyon ang isang HEI.
Ayon kay Jaro, kailangang makabalik agad ang mga eskwelahan ito matapos ang isang taon upang hindi sila mahirapan na ibalik ang kanilang operasyon.
“After a year, they come back then we would siguro po mas madali para sa kanila ang kumuha ng permit po para ‘yung recognition na ibinibigay namin ay hindi masyadong maapektuhan po if they would be able to get back po after a year,” dagdag ni Jaro.
Samantala, sinabi ng opisyal na nakadepende sa Board of Regents ang pagkakaroon ng online entrance examinations sa state universities and colleges para sa susunod na academic year.
Suhestiyon naman ni Jaro, sakaling kailanganin talaga ang pagkakaroon ng online entrance exam, mas mainam na gawin itong ‘one on one’ upang maiwasan ang dayaan sa pagsusulit.