Nation

TESDA WALANG TRAINING CENTERS SA MUNICIPAL LEVEL

/ 17 January 2021

NILINAW ng Technical Education and Skills Development Authority na hindi sila nagtatayo ng training centers sa municipal level.

Ayon kay Atty. Clefford Pascual ng TESDA, batay sa Section 29 ng TESDA Law, hindi pasok sa structure ng ahensiya ang municipal training center na karaniwang pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan.

Gayunman, ipinaliwanag ni Pascual na sa pagtatayo ng municipal training centers ay nakahandang umalalay at tumulong ang TESDA.

Ginawa ni Pascual ang pahayag sa pagdinig ng House Committee on Higher and Techncial Education sa House Bill 7887 o ang proposed Antique Provincial and Municipal TESDA Training and Assessment Centers Act ni Antique Rep. Loren Legarda.

Kinumpirma naman ni TESDA Region 6 Director Gaspar Gayona na mayroon na silang provincial training center sa Antique at ang 18 municipal training centers ay ‘under construction’ na.

“On the part of Region 6, the existence of municipal training centers will be beneficial for the province, for the municipaliteis, as training units for the provincial development plan. The technical assistance for these municipalities are ongoing. That’s why the passage of the bill will provide resources for the centers,” pahayag ni Gayona.

Idinagdag pa ni Gayona na nakausap na rin nila ang bawat lokal na pamahalaan sa 18 munisipalidad para sa training centers.

Sa kanyang panukala, nais ni Legarda na magkaroon ng TESDA Training and Assessment Center ang lalawigan at itatayo ito sa munisipalidad ng Hamtic.

Magkakaroon din ng municipal TESDA Training and Assessment Centers sa mga munisipalidad ng Anini-y, Barbaza, Belison, Bugasong, Caluya, Culasi, Hamtic, Laua-an, Libertad, Pandan, Patnongon, San Jose de Buenavista, San Remigio, Sebaste, Sibalom, Tibiao, Tobias Formier at Valderrama.

Ipinagpaliban naman ng komite ang pag-apruba sa panukala upang plantsahin ang mga probisyon nito para hindi magkaroon ng kumplikasyon sa TESDA Law.