TESDA TRAININGS PINABUBUHUSAN NG PONDO SA 2021 NATIONAL BUDGET
INIREKOMENDA ni Senador Joel Villanueva sa economic team na bigyan ng diin ang pagpopondo sa mga programa para sa training, partikular sa Technical Education and Skills Development Authority.
Ayon kay Villanueva, mahalagang mabigyan ng sapat na kasanayan ang mga tao upang matiyak na makakakuha sila ng maayos na trabaho sa gitna ng Covid19 pandemic.
“Habang nagbabago ang ating job market, napakahalaga po na mabigyan ng pagkakataon ang ating mga manggagawa na mag-retrain or upskill upang magkaroon ng mas magandang oportunidad na makakuha ng trabaho,” pahayag ni Villanueva.
“Kaya po mahalaga sa atin na patuloy na pondohan ang mga programang nakadisenyo para magbigay ng upskilling or retraining sa mga manggagawa,” sinabi pa ng senador.
Ipinaliwanag ng mambabatas na mahalaga ang papel ng TESDA upang maresolba ang sinasabing job-skills mismatch.
Nangako ang mambabatas na patuloy na ipaglalaban ang sapat na funding requirement sa TESDA upang mas maraming benepisyaryo ang maabot.
Sa ilalim ng 2021 National Expenditure Program, P2.9 bilyon ang inilaan sa TESDA para sa Technical Vocational Education and Training scholarship para sa 21,233 trainees at P200 milyon para sa 8,333 trainees sa private TVET institutions.
“If we are going to hit our target of 6-8% unemployment by next year, we should fund programs that are designed to spark and sustain our economic rebound. We cannot stress this point any further – that our budget next year will really make or break our recovery,” dagdag pa ng senador.