Nation

TESDA PROBLEMADO SA TOOLKITS NG GRADUATES

/ 14 August 2021

AMINADO ang Technical Education and Skills Development Authority na malabo nang maibigay pa sa mga nakatapos sa kanila ng tranining noong 2018 ang kanilang toolkits.

Sa briefing ng House Committee on Higher and Technical Education kaugnay sa 2022 proposed budget ng ahensiya, inamin ni TESDA Deputy Director General Lina Sarmiento na nahihirapan silang ipaliwanag sa mga nakatapos ng training ang isyu sa toolkits.

Ayon kay Sarmiento, naabutan na ng pag-lapse ng budget ang procurement process ng toolkits para sa mga taong 2018 at 2019 kaya naibalik na sa National Treasury ang pondo.

Binigyang-diin ni Sarmiento na ang Philippine International Trading Corporation ang namahala sa procurement process ng toolkits.

Sa pagdinig, kinuwestiyon ni Rep. Angelina Helen Tan ang delivery ng toolkits dahil sa kanilang distrito sa Quezon ay marami pang hindi nakatatanggap.

Nangangamba si Tan na posibleng nakalimutan na rin ng mga graduate ang kanilang pinag-aralan sa training dahil hindi nila ito magamit bunsod ng kawalan ng toolkits.

Inamin ni Sarmiento na mahihirapan sila sa toolkits sa 2018 pero ang suplay para sa mga graduate noong 2019 ay maaaring maisama sa 2022 budget.