TESDA MAY LIBRENG CELLPHONE AT COMPUTER REPAIR TRAINING
MAY libreng cellphone at computer repair training ang Technical Education and Skills Development Authority ngayong ang karamihan ay ginagamitan na ng gadget.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni TESDA Deputy Director General John Bertiz na isa sa mga in-demand course ang computer repair.
“Pinaka in-demand ngayon is ‘yung sa computer repair and maintenance, computer programming, web development dahil nga po sa blended online training system natin ngayon, so mas marami po ang nag-eenroll…libre po itong ino-offer ng TESDA,” sabi ni Bertiz.
Dagdag pa niya, ito ay dahil halos lahat ay gumagamit ng gadgets dahil sa online learning.
“Halos lahat ngayon ay gumagamit ng gadget ultimo nga elementarya pati mga K to 12 dahil na rin online ang way ng education system natin ngayon, so hindi sila nauubusan ng mga kinukumpuning computers, desktop gadget,” paliwanag ni Bertiz.
Ayon pa kay Bertiz, malaking tulong ito para sa livelihood ng mga Filipino, lalo na ng mga overseas Filipino worker na nawalan ng trabaho at pinauwi sa bansa.
Ang mga scholarship at programa ng TESDA ay bukas sa lahat na may edad 15 at pataas.
“Kahit sino. Kaya nga po ang TESDA, TESDA abot ang lahat so kahit sino, so as young as 15 years old you can actullay avail of our scholarship and training programs,” dagdag niya.