Nation

TESDA KINUWESTYON SA MABAGAL NA PAGGASTOS NG PONDO SA SCHOLARSHIP PROGRAMS

/ 8 October 2022

GINISA ni Senadora Loren Legarda ang mga opisyal ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA dahil sa mababang utilization rate sa kanilang pondo sa scholarship programs.

Sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee sa 2023 proposed budget, isa sa inihalimbawa ni Legarda ang datos ng TESDA na bago matapos ang 2020, umabot lamang sa 5.25 percent ang utilization rate ng ahensiya sa scholarship programs.

Ipinaliwanag naman ng mga opisyal ng TESDA na na-obligate nila ang malaking bahagi ng pondo ng scholarship programs sa huling tatlong buwan ng 2020 na pinagdudahan ni Legarda kaya pinagsumite niya ng report ang ahensya hinggil sa programa.

Isa rin sa pinuna ni Legarda ang kabiguan ng TESDA na pondohan ang scholarship programs sa ilalim ng Barangay Kabuhayan Skill Training na tumutulong sa 4th, 5th at 6th class municipalities sa bansa.

Iginiit ng senadora na noong 2019 hanggang 2022 ay pinondohan ang programa ng P10 million subalit sa proposed budget ng TESDA para sa 2023 ay wala itong pondo.

Nagpaliwanag naman ang TESDA officials na naka-integrate na ito sa kanilang community based training program na may pondong
P1.97 billion.