TECHVOC EDUC SA EX-DRUG DEPENDENTS APRUB NA SA KAMARA
INAPRUBAHAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na nagmamandato sa Technical Education and Skills Development Authority na magpatupad ng technical-vocational education at training, bukod pa sa livelihood program, para sa mga rehabilitated drug dependent.
Sa botong 178-0-0, pinagtibay ng mga kongresista sa 3rd and final reading ang House Bill 10062 na substitute bill sa House Bill 903 na iniakda ni Rep. Joseph Stephen Paduano.
Layon ng panukala na i-institutionalize ng TESDA ang kanilang Technical-Vocational Education and Training at livelihood program para sa pagbabagong- buhay ng mga dating drug dependent.
Isa pa sa tinatarget ng batas ay ang gawing self-reliant, productive at employable ang mga dating drug depedent, at buhayin sa kanila ang maayos na pag-uugali at tiwala sa kanilang mga sarili.
Minamandato ng panukala na makipag-ugnayan ang TESDA sa Department of Labor and Employment para sa matiyak na magkakaroon ng competitive at employable skills ang mga rehabilitated drug dependent para sa kanilang pagtatrabaho at livelihood opportunities.
Nakapaloob din sa panukala ang pag-aatas sa DOLE na magkaloob ng insentibo sa mga kompanya na tatanggap ng mga rehabilitated drug dependent na sumalang sa TVET at livelihood programs.